Sunday, February 13, 2011

Buod ng Liham Pastoral ng CBCP “Panigan ang Buhay, Tanggihan ang RH Bill”

Nuong Enero 30, 2011 muling naglahad ng isang Liham Pastoral ang Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas (CBCP) upang ipaliwanag ang patutol nating mga Katoliko sa RH Bill. Unang binigyang pansin ng CBCP ang nasasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas na “Pinahahalagahan ng estado ang dangal ng bawa’t tao” (Art II, Sek 11) at “Ipagsasanggalang din nito ang buhay ng ina at ang buhay ng di pa isinisilang mula nang ito ay ipaglihi” (Art II, Sek 12). Malinaw dito na pinahahalagahan Saligang Batas ang kahalagan ng buhay. Kaya’t himahamon ng CBCP ang mga mambabatas na piliin ang buhay.
Naniniwala ang CBCP na may higit na uri ng katiwalian--ang katiwalian sa moralidad na siyang tunay na ugat ng lahat ng katiwalian. Mariin nating tinututulan ang RH Bill dahil ito ay isang matinding paglapastangan sa buhay ng tao na ating itinangi. Ang RH Bill ay bunga ng isang materialistang diwa.
Ang ating paniniwala ay nakasalig sa dalawang pangunahing paninindigan ng mga sumasampalataya sa Diyos: 1. Ang buhay ay ang pinaka-sagradong kaloob sa isang tao ng Diyos, ang Maylikha ng buhay. Ang mga sagabal na artipisyal upang mahadlangan ang pasilang ay maliwanag na paglabag sa batayang katotohanang ito. 2. Ang mga magulang ang may pangunahin karapatan na kalingain at hubugin ang kanilang mga anak upang sila ay umunlad ayon sa kalooban ng Diyos.
Hindi pinagsasanggalang ng RH Bill ang kalusugan ng sagradong buhay. Ang mga artipisyal na pamamaraan ng kontraseptibo ay nakapipinsala sa buhay ng tao dahil pinipigil nito ang pagsisimula ng buhay. Batay sa agham ang mga kontraseptibo ay maaring pagmulan ng kanser at mapanganib sa kalusugan ng mga babae.
Ganundin ang malawakang paggamit ng kontraseptibo ay nagpapataas ng bilang ng aborsyon. Ang pagsablay ng mga kontraseptibo ay bumabaling sa aborsyon, na itinuturing ng lahat ng relihiyon na kasalanan. Hindi rin totoo na pipigilan ng kontraseptibo ang paglaganap ng HIV/AIDS. Sa mga bansang laganap ang paggamit ng condom, patuloy na kumakalat ang HIV/AIDS. Nagbibigay ang mga condoms ng huwad na kasiguruhan na nagtutulak sa mga gawaing sekswal, na nagpaparami rin sa mga kaso ng HIV/AIDS. Ang tinatawag na “ligtas na sex” upang pigilin ang HIV/AIDS ay huwad na propaganda.
Hindi rin totoo na dapat sugpuin ang pagdami ng mga tao upang makalaya sa kahirapan. Hindi labis ang bilang ng tao sa Pilipinas kundi nagsisiksikan lamang ang mga tao sa mga lunsod. Walang tuwirang ugnayan ang bilang ng tao at ang kahirapan. Ang dami ng mga tao ay hindi ang dahilan ng kahirapan kundi kasakiman, katiwalian, kawalan ng pagkakapantay sa lipunan, kakulangan sa edukasyon, at iba pa. Upang makaahon sa kahirapan, kinakailangang nating sugpuin ang katiwalian na syang tunay na dahilan ng kahirapan at hindi ang bilang ng mga tao.
Kaya nga’t naninindigan ang CBCP na tayo ay nagmamalasakit sa katatayuan ng mga mahihirap, tayo ay para sa buhay, at naniniwala tayo na ang responsible at natural na pagsasayos ng bilang ng pagsisilang ay sa pamamagitan ng Natural Family Planning. Naniniwala tayo sa kalayaan sa relihiyon at sa karapatan ng pagtutol ayon sa buhdi sa mga bagay na labag sa sariling pananampalataya.
Sa huli, nanawagan ang CBCP na isasaingtabi nang lubusan ang RH Bill, tugunan ang mga tunay na dahilan ng kahirapan gaya ng katiwalaan, magtatayo ng maraming paaralan at inprastruktura na kailangan sa kaunlaran at “sama-samang manalangin, magmuni, magpasya, at kumilos lagi sa layunin ng katotohanan at itaguyod na mga halagang pantao at pang-kultura.”
+NEREO P. ODCHIMAR, DD
Obispo ng Tandag
Pangulo, CBCP
Ika-30 ng Enero 2011