Eksaktong isang taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang malaking pagbaha sanhi ng Bagyong Ondoy na nagpamalas ng kanyang lupit sa ating bansa. Ang pagbahang ito ay nakaapekto sa syamnapung porsiento (90%) ng ating bayan ng Cainta at lahat tayo ay nakaranas sa nakagigimbal na epekto ng bahang ito. Totoo nga na ang bahang ito ay dulot ng napakalakas na pagpatak ng ulan na hindi naranasan sa ating bansa sa kanyang kasaysayan. Subalit hindi rin natin maikakaila na naging mas malala ang pagbaha sapagkat karamihan sa ating mga ilog at kanal at barado ng mga basura.
Sa paggunita natin ng unang anibersaryo ng malaking pagbaha ngayong Septiembre 26, 2010, minarapat ng ating Parokya ng Ina ng Kaliwanagan na gunitain ito sa isang positibong paraan. Ito ay sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang Proper Waste Disposal and Cleanliness Drive. Malinaw and kadahilanan: and isang dahilan kung bakit napakadaling magbaha sa ating bayan ay dahil sa mga kalat at basura na nagbabara sa ating mga ilog at daanan ng tubig. Sabi nga: “Prevention is better than cure.” Sa halip na sisisihin natin ang ating pamahalaan dahil sa hindi ganap na paglilinis ng ating kapaligiran, higit na mabuti kung magsisiskap muna ang ating mga mamamayan na panatilihing malinis ang ating kapaligiran at tumigil sa pagtatapon ng dumi at basura sa mga pampublikong lugar.
Ang malungkot na katotothanan ay marumi ang ating kapaligiran. Marami pa rin tayong mga kababayan ang may masagwang ugali ng pagtatapon at pag-iwan ng kanilang basura sa mga pampublikong lugar. Ginagawa naman ng pamahalaan ang kanilang tungkulin na linisin ang ating mga kalsada at drainage subalit laging nagbabalik ang mga basura sa mga pook na ito. Nakalulungkot na marami sa ating mga mamamayan ang walang malasakit tungkol sa pinsalang dulot ng pagtatapon ng kalat at basura sa kapaligiran.
Magagawa ba ito? Nakita natin na ilang malalaking lunsod sa ating bansa ay nasanay ang kanilang mga mamayanan na panatilihing malinis ang kanilang paligid. Nagawa na ito sa mga lunsod ng Olonggapo, Davao , Puerto Princesa at kailan lang, sa ating karatig na Marikina . At ang mga ito ay malalaking lunsod na napanatili ang kanilang kalinisan. Ang ating bayan ay hindi naman isang napakalaking munisipalidad. Kahit na maraming tao, naniniwala kami na ang Cainta ay maaring maging isang bayan na ang mga tao ay natuturuan at nahuhubog na panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran. Mayroon kaming dakilang adhikain na gawin ang Cainta na pinakamalinis na bayan sa buong bansa!
Simula ngayong taon, maari nating ariin ang temang “Cainta: Bayang Malinis”, o katulad na kasabihan. Kailangan nating ikintal sa lahat ng mamamayan ang matinding pangangailangan na panatilihing malinis ang ating kapaligiran at pigilan ang lahat ng uri ng walang habas na pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar. Kung hindi, muli’t muling nating mararanasan ang masakit epekto ng Ondoy.
Dahil dito, nananawagan ang Parokya ng Ina ng Kaliwanagan sa lahat ng mananampalataya na makiisa sa adhikaing ito. Kailangan nating turuan ang lahat ng ating kababayan tungkol sa wastong pagtatapon ng basura. Ito ang una at pinakamaliit na magagawa natin para mapigilan ang pagbaha at pangalagaan ang ating kalikasan. Nananawagan kami sa lahat na makiisa sa adhikaing ito. Nananawagan kami sa lahat ng mamamayan na tigilan na ang pagkakalat at pagtatapon ng basura sa pampublikong lugar. Magsikap tayong lahat na panatilihing malinis ang ating paligid at malaya sa lahat na uri ng basura.
o Nananawagan kami sa lahat ng magulang na magpakita ng magandang halimbawa at turuan ang mga anak na huwag magkalat sa publiko.
o Nananawagan kami sa lahat ng guro at tagapamahala ng mga paaralan na gawin itong bahagi ng pagtuturo.
o Nananawagan sa mga negosyante na gawin ang kalinisan at pangangalaga sa kalikasan na pangunahing layunin ng kanila corporate social responsibility.
o Nananawagan kami sa lahat ng mga samahang sibiko na maglaan ng mga basurahan sa ating pamayanan.
o Nananawagan kami sa mga pinuno ng pamayanan na magsimula ng isang pangkalahatang paglilinis sa ating bayan.
Sa kahulihan, nanawagan kami sa lahat ng tagapamuno ng ating pamahalaan ang mahigpit na ipatupad ang anti-littering law. Sinimulan ng Metro manila Development Authority ang kampanyang ito ngayon buwan ng Septiembre sa Metro Manila. Agad tayong tumulad sa dakilang adhikaing ito upang maging malinis ang Cainta at maging isang bayang nangangalaga sa kalikasan, isang bayan na tunay nating maipagmamalaki!
Nawa’y patnubayan tayo ni Maria, Ang Ina ng Kaliwanagan sa adhikaing ito.
Sumasainyo kay Kristo,
Rev. Msgr. Arnel F. Lagarejos