Ang unang araw ng Agosto ginimbal ng malungkot na balita tungkol sa pagpanaw ng unang babaeng Pangulo ng Pilipinas na si Gng. Corazon C. Aquino sa gulang na 76. Ang sumunod na mga araw ay nakakitaan ng matinding pagpapahayag ng kalungkutan at pakikiramay ng buong bansang Pilipinas sa kanyang pagyao. Libo-libo ang pumila sa La Salle, Greenhills kung saan siya unang ibinurol, dagsa ang sumama sa paglipat sa kanyang mga labi at pinagkalooban siya ng natatanging karangalan na iburol sa Manila Cathedral sa kabila ng patakaran na tanging mga pumanaw Arsobispo ng Maynila lamang ang maaring iburol dito.
At lalong higit na naging madamdamin ang kanyang libing. Sa kabila ng masamang panahon at malakas na ulan, mahigit isang daang mga Obispo at pari ang nagdiwang ng kanyang funeral mass, daang-libo ang sumama at mahigit dalawang milyon ang naghintay at sumaksi sa sa kanyang libing. Labis ang aking pasasalamat sa pagkakataon na ako ay nakapag-concelebrate sa Funeral Mass at nakasama sa kanyang libing. Nasaksihan ko ang matinding pagpapahayag ng damdamin ng pagdadalamhati at pasasalamat ng mga tao kay Tita Cory.
Bakit nga ba ganoon na lamang ang pagpupugay ng bayang Pilipino kay Cory Aquino?
Marami ang kadahilanan. Subalit para sa akin, ang pinakamahalagang nagawa ni Cory ay ang pagsasakripisyo ng kanyang sarili alang-alang sa bayan. Si Cory Aquino ay isinilang na mayaman. Lumaki siya sa karangyaan, nag-aral sa isang eksklusibong paaralan at nagtapos ng kolehiyo sa Amerika. Nakapangasawa ng isa ring mayamang kongresista na naging senador ng bansa. Nang napaslang ang kanayang asawa, ang bayaning si Senador Beningo “Ninoy” Aquino, Jr., tinanggap niya ang hamon na maging pinuno ng pakikibaka laban sa diktaduria at batas militar.
Ang desisyong ito ay lubhang mapanganib. Brutal ang batas militar at karamihan sa mga kumakalaban dito ay nakukulong, nawawala o napapaslang. Kung tutuusin, maaring nanantili na lamang si Cory sa pananahimik sa Hacienda Luisita o Forbes Park at pagpapasasa sa kanyang yaman. Subalit pinili niya ang isakripisyo ang kanyang sariling karangyaan upang ipaglaban ang kalayaan at supilin ang diktaduriang sumisikil sa bayan. Buong tapang niyang sinuong ang panganib, di alintana ang kapakanan ng sarili. Ito ang tunay na kabayanihan na kanyang ipinamalas. At noong siya ay naging Pangulo matapos ang makasaysayang EDSA People Power Revolution, ang kanyang panunungkulan ay hindi nabahiran ng anumang katiwalian.
Nawa ang kanyang pagmamahal at ginawang pagsasakripisyo ng sarili alang-alang sa bayan ay pamarisan ng bawat Pilipino.
Paalam at maraming salamat, Tita Cory!